Nakaupo ako kaharap ang kompyuter. Ninanamnam ko ang katahimikan sa pagtatapos ng isang araw ng trabaho. Masaya dapat ako sa natapos ko sa araw na iyon, pero hindi. Pagod ako. Masakit ang balikat ko sa bigat ng pagkabalisa dahil sa problema sa trabaho, at abala ang utak ko sa kakaisip tungkol sa isang problemadong ugnayan. Gusto kong takasan lahat—kaya naisip kong manood ng telebisyon pag-uwi ko.
Pero pinikit ko ang mga mata ko at bumulong, “Panginoon.” Wala akong lakas para sa iba pang salita. Nakapaloob ang lahat ng pagod ko sa isang salitang iyan. At dama ko agad na sa Kanya ako dapat pumunta.
“Lumapit kayo sa akin,” sabi ni Jesus sa mga pagod at nabibi- gatan, “at bibigyan ko kayo ng kapahingahan” (MATEO 11:28). Hindi pahinga mula sa mahimbing na tulog ang sagot. O pagtakas sa katotohanan gamit ang telebisyon. Hindi rin ginhawa ‘pag nalutas na ang problema. May dulot mang pahinga ang mga iyan, pero panandalian at nakasalalay lang sa mga pangyayari.
Iba ang pahingang handog ni Jesus: pangmatagalan at sigurado dahil sa mga katangian Niyang hindi nagbabago. Wagas ang kabutihan Niya. Matatagpuan sa Kanya ang tunay na pahinga kahit sa panahon ng problema dahil alam nating makapangyarihan Siya. Maaari tayong magtiwala at magpailalim sa Kanya. Maaari nga rin tayong magtiis at magtagumpay sa gitna ng hirap dahil sa lakas Niyang nagpapanumbalik ng lakas natin. “Lumapit kayo sa akin,” sabi ni Jesus sa atin. “Lumapit kayo sa akin.”