Dahil unti-unti nang hindi kailangang magsuot ng mask paghupa ng pandemya, madalas nakakalimutan kong magbaon nit. Tuloy, namomroblema ako kapag napupunta ako sa lugar na minamandato pa rin ito. Sa isang pagkakataon nga, kinailangan kong halughugin ang kotse ko para maghanap ng mask. Nakakita naman ako ng isa, kaya lang may nakasulat na PINAGPALA dito.

Iniiwasan ko sanang isuot ito. Para kasi sa akin, gasgas na ang salita. Pero dahil wala naman akong ibang puwedeng gamitin, napilitan na rin ako. Maganda naman ang naging bunga ng pagsusuot ko ng mask. Bago kasi ang receptionist sa eskwelahan ng anak ko, at hindi pa niya masyadong gamay ang sistema. Muntik na sana akong magsungit, buti na lang at naalala ko ang nakasulat sa mask ko. Naisip ko, hindi magandang mawalan ako nang pasensya lalo at may nakasulat na PINAGPALA sa mask ko.

Mainam na napaalalahanan ako ng mask na maging mabuting saksi ni Jesus. Pero walang tatalo sa paalalang hatid ng Salita ng Dios na nakatanim sa ating mga puso. Sabi nga ng apostol na si Pablo sa mga taga-Corinto, “ang buhay ninyo ay parang isang sulat mula kay Cristo...hindi tinta ang ginamit sa sulat na ito kundi ang Espiritu ng Dios na buhay. At hindi rin ito isinulat sa malapad na mga bato, kundi sa puso ng mga tao” (2 CORINTO 3:3). Sa tulong ng Banal na Espiritu na “nagbibigay-buhay” (TAL. 6), makikita sa atin ang bunga ng “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan” at “pagpipigil sa sarili” (GALACIA 5:22-23). Tunay na pinagpala tayo ng Banal na Espiritung nasa atin!