Assistant si Keith sa isang bookstore. Minsan, nagbakasyon ang may-ari ng bookstore. Dalawang araw lang naman iyon, pero takot na takot si Keith. Kahit na maayos namang tumatakbo ang bookstore, hindi niya maiwasang mag-alala na baka pumalpak siya. Kaya binantayan niya kahit ang pinakamaliliit na detalye.
Sinabihan tuloy siya ng may-ari na pumreno. “Kailangan mo lang namang sundin ang mga bilin na pinapadala ko sa iyo. Huwag kang mag-alala. Hindi ikaw ang magpapasan ng lahat, kundi ako.”
Kahawig nito ang payo ng Dios sa mga Israelita sa panahon ng digmaan. “Tumigil kayo” (SALMO 46:10). Kung palalawigin pa natin, ‘Huwag kayong makipagbuno. Sundin lang ninyo ang mga sasabihin ko. Ako ang lalaban para sa inyo.’ Hindi sila sinasabihan ng Dios na maging Juan Tamad at hintayin lang ang tagumpay. Sa halip, tinuturuan sila ng Dios ng aktibong pagsuko. Ibig sabihin, kikilos sila, pero ipagkakatiwala nila sa Kanya ang resulta. Susunod sila, pero iaasa nila sa Kanya ang tagumpay.
Iyan din ang sinasabi sa atin ng Dios. Tandaan natin, may kapamahalaan Siya sa lahat. “Sa sigaw [Niya], ang mga tao sa mundo ay parang matutunaw sa takot” at “Kanyang pinatitigil ang mga digmaan sa lahat ng sulok ng mundo” (TAL. 6, 9). Kung kaya Niyang gawin ang mga ito, makaaasa tayo sa Kanya bilang “ating kanlungan at kalakasan” (TAL. 1). Kaya hindi tayo ang dapat na magkontrol sa buhay natin, kundi ang Dios.