Noong 2021, sinubukan ng isang engineer na magkaroon ng record sa larangan ng pagpapana. Noong panahong iyon, 2,028 talampakan ang pinakamahabang naabot ng isang palaso. Gusto niya itong talunin at makapagtala ng isang milya (5,280 talampakan). Humiga na nga ang engineer at hinila ang pana na siya mismo ang gumawa. Pero hindi umabot ng isang milya ang palaso. Hindi nga rin ito umabot kahit isang talampakan dahil bumagsak agad ang palaso at tumama...sa talampakan niya!
Gayundin, nasasaktan natin kung minsan ang ating mga sarili dahil sa maling ambisyon. Alam iyan nina Santiago at Juan. Kung tutuusin, wala sanang mali nang hilingin nila kay Jesus na “paupuin [sila] sa [Kanyang] tabi; isa sa kanan at isa sa kaliwa” (MARCOS 10:37). Sinabi naman kasi ni Jesus sa mga disipulo na “uupo rin [sila] sa 12 trono upang husgahan ang 12 lahi ng Israel” (MATEO 19:28). Pero mali ang motibo nila. Gusto kasi nilang maitanghal nang higit sa iba. Kaya sinabi sa kanila ni Jesus na wala sa tamang lugar ang ambisyon nila (MARCOS 10:38). Pinaalalahanan din sila ni Jesus na “sinuman sa inyo na gustong maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo” (TAL. 43).
Hilingin natin ang karunungan at paggabay ng Dios habang gumagawa tayo ng mga mabuti at dakilang bagay para sa Kanya. Nang sa gayon, makapaglingkod tayo nang buong pagpapakumbaba kagaya ni Jesus (TAL. 45).