Noong 1950s, kinailangang magtrabaho ng isang ina. Mag- isa niya kasing itinataguyod ang mga anak niya. Nakakuha naman siya ng trabaho bilang isang typist. Kaya lang, hindi siya ganoon kagaling at madalas siyang magkamali. Tuloy, naghanap siya ng paraan para matakpan ang mga mali niya. Dahil dito, naimbento niya ang Liquid Paper. Isa itong kulay puting likidong pantakip ng mga mali. Kapag natuyo na ito, puwede na ulit mag-type at magsulat sa ibabaw ng papel.

Higit naman sa pagtatakip ang kayang gawin ni Jesus para sa mga kasalanan natin. Kaya Niya tayong bigyan ng ganap na kapatawaran. Magandang halimbawa nito ang nangyari sa babaing nahuling nangangalunya sa Juan 8. Gusto ng mga tagapagturo ng Kautusan na umakto si Jesus. Ayon kasi sa Kautusan, dapat batuhin ang babae. Pero sa halip na isaalang-alang kung ano ang nasa Kautusan, pinaalalahanan lang sila ni Jesus na “lahat ay nagkasala” (ROMA 3:23). Sinabi Niya sa kanila, “Kung sino sa inyo ang walang kasalanan ay siya ang maunang bumato sa kanya” (JUAN 8:7). Wala kahit isa ang pumukol ng bato.

Binigyan ni Jesus ng panibagong simula ang babae. Hindi Niya ito hinatulan. Pero sinabihan din Niya ang babae, “huwag ka na muling magkasala” (TAL. 11). Pinatawad siya ni Jesus at binigyan ng pagkakataong isulat muli ang kanyang buhay. Gaya ng ginawa Niya sa babae, iniaalok din sa atin ni Jesus ang Kanyang biyaya upang makapagsimula tayong muli.