Noong magtanim ako ng mga prutas at gulay sa bakuran namin, may mga napansin akong kakaiba. Una, may maliliit na butas sa lupa. Tapos, biglang nawala ang unang bunga namin bago pa ito mahinog. Isang araw, nakita ko na lang na nabunot ang pinakamalaking tanim namin na strawberry. Kuneho pala ang salarin. Naisip ko, sana pala umaksyon na ako noong una pa lang.
Sa Awit ni Solomon, mababasa natin ang isang tula ukol sa pag-ibig. Pinaalalahanan ng lalaki ang kanyang sinisinta na maging mapagbantay sa mga hayop na maaaring sumira sa kanilang halamanan. Isa itong talinghaga na tumutukoy sa kanilang relasyon. “Hulihin ang mga asong-gubat na sumisira ng aming mga ubasang namumulaklak” (AWIT 2:15). Napansin marahil ng lalaki ang mga “asong-gubat” gaya ng selos, galit, panloloko, at kawalan ng pakialam na maaaring magwasak sa kanilang pagsasama. Pinahahalagahan niya ang ganda ng kanyang minamahal (TAL. 14) at ayaw niyang mabahiran ito ng karumihan. Para sa lalaki, “tulad ng liryo sa gitna ng matinik na halamanan” ang kanyang minamahal (TAL. 2). Kaya naman, handa siyang gawin ang lahat para ingatan ang kanilang relasyon.
Regalo mula sa Dios ang ating mga pamilya at kaibigan. Totoong hindi laging madaling palaguin ang mga relasyong mayroon tayo. Pero kung magtitiyaga at magbabantay tayo laban sa mga “asong-gubat,” makaaasa tayong bibigyang-bunga ng Dios ang ating mga relasyon.