Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, may kakaibang ipinapadala sa ilang kampo ng sundalo sa Europa: mga piyano. Ginamit ang mga ito bilang pampawi ng lungkot ng mga sundalo. Espesyal ang pagkagawa ng mga ito. Magaan at may proteksyon laban sa tubig at insekto. Sa tulong ng mga ito, nabigyan ng kagaanan ang mga sundalo. Sama-sama silang umaawit ng mga kanta mula sa kanilang bayan.

Isang paraan nga ang pag-awit—lalo ng mga papuri sa Dios— para makaranas ng kapayapaan ang mga nagtitiwala kay Jesus sa gitna ng laban. Naranasan ito nina Haring Jehoshafat nang sinalakay sila ng mga kaaway (2 CRONICA 20). Sa matinding takot, tinawag niya ang lahat ng mamamayan para magdasal at magayuno (TAL. 3-4). Tumugon ang Dios at sinabihan siyang ihanda ang hukbo para harapin ang kalaban. Ngunit pangako Niya, “Hindi na kayo kailangang lumaban” (TAL. 17). Nagtiwala at sumunod sa Dios si Jehoshafat. Nagtalaga rin siya ng mga mang-aawit sa unahan ng hukbo. Nagpuri sila kay Yahweh para sa tagumpay na makakamtan nila (TAL. 21). At nang nagsimula silang umawit ng papuri sa Dios, nagsimulang magkagulo ang mga kalaban nila (TAL. 22).

Hindi man dumating ang tagumpay sa oras at paraang nais natin, maaari pa rin nating ipahayag ang pagtatagumpay ni Jesus laban sa kasalanan at kamatayan. Napagtagumpayan na Niya ito. Kaya maaari nating piliing sumamba sa Dios kahit pa nasa gitna tayo ng laban.