Hindi ko nakita ang nyebe, pero naramdaman ko ito. Gumewang ang minamaneho kong pickup. Tatlong beses akong lumihis sa daan hanggang sa lumipad na ako sa ere. Halos labinlimang talampakan din ang itinilapon ko. Naisip ko, Masaya sana ito kung hindi lang nakakamatay. Hindi nagtagal, bumagsak ang sasakyan sa isang matarik na bangin at gumulong paibaba. Sira-sira ang sasakyan. Pero wala akong galos.

Niligtas ako ng Dios, pero nawasak ang sasakyan. Ang masaklap, hindi iyon sa akin, kundi sa lolo ko. Nag-alala ako sa sasabihin ng lolo ko sa nangyari sa pickup niya. Pero wala siyang sinabi ni isang salita tungkol doon. Walang sermon o tanong kung paano ko ito babayaran. Wala. Kapatawaran lang. At isang ngiting nagsasabing sapat na sa kanyang ligtas ako.

Pinaalala sa akin ng mabuting kalooban ng lolo ko ang habag ng Dios. Sa Jeremias 31, sa kabila ng pagtataksil sa Kanya ng mga taga-Israel, nangako pa rin ang Dios na ipapanumbalik Niya ang relasyon sa kanila. “Patatawarin ko ang kasamaan nila at lilimutin ko na ang mga kasalanan nila” (TAL. 34).

Sigurado akong hindi nalimutan ni lolo na nawasak ko ang sasakyan niya. Pero tulad ng Dios, hindi na niya ito tinandaan. Hindi niya ako pinahiya at hindi rin pinagbayad. Tulad ng sinabi ng Dios na gagawin Niya, pinili ni lolo na hindi na alalahanin ang nangyari.