Magaling siya sa maraming bagay, pero may problema. At alam ito ng marami. Pero dahil mahusay siya sa trabaho, walang humarap sa kanya upang pag-usapan ang mapanirang galit niya. Sa pagdaan ng mga taon, marami siyang kasamahan na nasaktan ang damdamin. Maaga ring natapos ang karera niya sa trabaho. Puwede pa sana siyang lumago. Nakakalungkot. Kung kinausap ko lang sana siya noon pa.
Sa Genesis 4, makikita kung paano dapat pagsabihan ang isang tao nang may pag-ibig. Bilang magsasaka, “naghandog si Cain sa Panginoon ng galing sa ani niya” (TAL. 3). Pero ipinaliwanag sa kanya ng Dios na hindi kalugod-lugod ang paghahandog niya. Dahil hindi tinanggap ang handog niya, “sumimangot si Cain at labis ang kanyang galit” (TAL. 5). Tinanong siya ng Dios, “Ano ba ang ikinagagalit mo?” (TAL. 6). At sinabihan Niya si Cain na talikuran ang kasalanan at gawin kung ano ang mabuti at tama. Pero hindi sumunod si Cain sa Dios at gumawa siya ng isang kakilakilabot na aksyon (TAL. 8).
Hindi man natin mapipilit ang mga tao na talikuran ang kasalanan nila, puwede natin silang kausapin nang may habag. Sa pamamagitan ng “pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig,” maaari tayong “maging lubos na katulad ni Cristo” (EFESO 4:15 MBB). At sa tulong ng Dios na nagbibigay sa atin ng tengang marunong makinig, puwede rin tayong matuto na tanggapin ang masasakit na katotohanan tungkol sa atin na hindi madaling tanggapin.
