Noong bata si Ming, malupit at malayo ang loob ng tatay niya sa kanya. Minsan, nagkasakit si Ming at kinailangang ipagamot. Nagreklamo ang tatay niya na abala ito sa kanya. Nang minsang nakikipagtalo ang tatay niya, narinig ni Ming na gusto pala siya nitong ipalaglag noong ipinagbubuntis pa lang siya. Hanggang sa paglaki, dala ni Ming ang pakiramdam na hindi siya mahalaga. Kahit noong magtiwala na siya kay Jesus, itinuring niyang Panginoon ang Dios pero hirap siyang ituring na Ama ang Dios.

Kung tulad tayo ni Ming na hindi nakadama ng pagmamahal mula sa tatay natin, marahil may duda rin tayo sa Dios. Pabigat ba ako sa Kanya? May malasakit ba Siya sa akin? Pero kung walang pakialam at malayo ang loob sa atin ng tatay natin, ibang iba ang Dios Ama. Siya mismo ang lumalapit sa atin at nagsasabing, “Mahal kita” (ISAIAS 43:4).

Sa Isaias 43, nangungusap ang Dios bilang ating Ama at Manlilikha. Nais Niyang alagaan ka at mapabilang ka sa pamilya Niya. Sabi Niya, “Dalhin mo rito ang Aking mga anak na lalake na mula sa malayo, at ang Aking mga anak na babae na mula sa wakas ng lupa” (TAL. 6 abab). May duda ka ba sa kung ano ang tingin sa iyo ng Dios? Ito ang sabi Niya: “Ikaw ay marangal at mahalaga sa Aking paningin” (TAL. 4).

Sa tindi ng pag-ibig ng Dios sa atin, isinugo Niya si Jesus para pagbayaran ang kasalanan natin. Kaya may buhay na walang hanggan ang sinumang magtitiwala sa Kanya (JUAN 3:16). Dahil sa sinabi at ginawa Niya para sa atin, nakasisiguro tayong mahal Niya tayo at nais Niya tayong makapiling.