Lumalala na ang pakiramdam ng nanay at pamangkin ko. Kailangang kailangan ko ang mga gamot para sa allergy ni nanay at eksema ng pamangkin ko. Pero wala nang mga gamot sa botika. Wala akong magawa. Paulit-ulit kong dasal, Panginoon, tulungan Mo po sila.

Lumipas ang ilang linggo, bumuti-buti na ang pakiramdam nila. Tila ba sinasabi ng Dios: “Minsan gamot ang gamit ko para magpagaling. Pero Ako ang nagpapasya, hindi ang gamot. Sa Akin ka magtiwala, huwag sa gamot.”

Gaya na lang sa Salmo 20, kung saan nakatala ang lubos na pagtitiwala ni Haring David sa Dios. Malakas ang hukbo ng mga Israelita, pero alam nila na ang Dios ang lakas nila (TAL. 7). Sa Dios sila nagtiwala—sa kung sino Siya, sa karakter Niyang hindi nagbabago, at sa mga pangako Niyang hindi nagmamaliw. Pinanghawakan nila ang katotohanang ang Dios ang pinakamakapangyarihan sa kahit sa anong sitwasyon. Dinidinig Niya ang mga panalangin nila at ililigtas Niya sila (TAL. 6).

Maaaring gumamit ang Dios ng mga bagay sa mundo para tulungan tayo. Pero sa huli, sa Kanya galing ang tagumpay natin. Puwedeng ibigay Niya ang sagot sa problema natin. Puwede rin namang lakas para magpatuloy ang ibigay Niya. Alin man dito, maaari tayong magtiwala na mananatili Siyang totoo sa karakter Niya bilang Dios. Dahil sa Kanya, puwede nating harapin ang mga problema natin nang may pag-asa at kapayapaan.