Noong bata pa ako, inakala kong marurunong at hindi na nagkakamali ang mga nakatatanda. Nasa isip ko, “Lagi nilang alam ang dapat gawin. Balang araw, pagtanda ko, alam ko na rin ang lahat ng dapat kong gawin.” Sa aking pagtanda, natutunan kong maraming pagkakataon pa ring hindi ko alam ang gagawin. Kapag may sakit sa pamilya, problema sa trabaho, o gusot sa relasyon, dumarating ako sa pagkaunawang hindi ko kayang lutasin ang mga ito sa sariling kakayanan at lakas. Wala akong ibang kayang gawin kundi ipikit ang mga mata ko at manalangin, “Tulungan Mo po ako Panginoon. Hindi ko po alam ang gagawin.”
Naunawaan din ni Apostol Pablo ang ganitong pakiramdam ng kahinaan nang magkaroon siya ng “tinik sa laman” (2 CORINTO 12:7 ᴀʙᴀʙ). Maaaring isang sakit ang tinik na ito, at nagdulot ito sa kanya ng matinding paghihirap. Gayunpaman, dahil sa “tinik” na ito, naranasan ni Pablo na sapat ang pag-ibig, pangako at biyaya ng Dios upang mapagtagumpayan ang kahinaan (TAL. 9). Natutunan niyang hindi pagkatalo ang kahinaan. Dahil kapag isinuko natin ang mga ito nang buong pagtitiwala sa Dios, nagiging paraan ang mga ito upang kumilos ang Dios sa ating mahirap na kalagayan (TAL. 9-10).
Marami pa ring hindi alam ang matatanda. Nagiging mas marunong man tayo habang tumatanda ngunit sa huli, inihahayag ng ating kahinaan ang ating kawalang kakayanan. Tanging kay Cristo lamang ang ating tunay na lakas: “Sapagkat kung kailan ako mahina, saka naman ako pinalalakas ng Dios” (TAL. 10). Ang totoo, ang “pagtanda” ay ang kaalaman at pagtitiwalang kailangan natin ang tulong ng Dios.
