Minsan, nasabi ng katrabaho ko na lumago ang kanyang buhay panalangin dahil sa aming manager. Napabilib ako. Hindi ko akalaing nakapagbabahagi pala ng mga espirituwal na bagay sa kanya ang mahigpit naming lider. Ngunit parang namali yata ako ng intindi. Paliwanag ng katrabaho ko: “Tuwing makikita ko siyang dumarating, nag-uumpisa na akong manalangin.” Mas dumalas ang pananalangin niya sa tuwing pinatatawag at mag- uusap sila ng manager namin. Batid niyang kailangan niya ang tulong ng Dios sa mahirap na pakikipagtrabaho sa kanya.

Kaya naging ugali ko na rin ang manalangin sa tuwing mabigat ang sitwasyon at magulo ang relasyon. Ito rin ang sinasabi sa Biblia. Sa 1 Tesalonica, pinaalalahanan ni Apostol Pablo ang mga nagtitiwala kay Jesus na “laging manalangin ... [at] magpasalamat sa lahat na pangyayari” (5:17-18). Kahit ano pa ang dinaranas natin, ang panalangin ang pinakamabuting tugon. Sa halip na manalig sa sarili, napapanatili ng pananalangin ang ugnayan natin sa Dios at mas nakikita natin ang gabay ng Banal na Espiritu (GALACIA 5:16). Natutulungan din tayo nito upang “mamuhay ... nang may mabuting pakikitungo sa isa’t-isa” (1 TESALONICA 5:13) kahit sa gitna ng hindi pagkakaunawaan.

Sa tulong ng Dios, maaari tayong magalak, manalangin, at magpasalamat nang mas madalas. Makatutulong ang mga ito para mas maging maayos ang samahan natin bilang mga magkakapatid kay Jesus.