Ginugulo ang isip ni Sal ng masasamang alaala at mga boses ng nakaraan. Hindi siya makatulog. Puno siya ng takot at pinagpapawisan ang buong katawan. Gabi iyon bago siya bautismuhan (pampublikong pagpapahayag ng pagsunod kay Jesus). Tinanggap na ni Sal ang kaligtasang nagmumula sa Panginoong Jesus, at alam niyang pinatawad na ang kanyang mga kasalanan. Ngunit patuloy pa rin ang laban sa kanyang espiritu. Hinawakan ng asawa ni Sal ang kanyang kamay at ipinanalangin siya. Maya-maya, napalitan ng kapayapaan ang takot sa puso ni Sal. Bumangon siya at isinulat ang kanyang mga sasabihin bago siya bautismuhan, na hindi niya magawa-gawa dati. Pagkatapos, naging mahimbing ang kanyang pagtulog.
Alam din ni Haring David ang hirap ng hindi makatulog. Tumatakas siya noon sa anak niyang si Absalom dahil gusto nitong agawin ang trono mula sa kanya (2 SAMUEL 15-17). Kaya alam niyang “ilang libong kaaway ang nakapalibot sa [kanya]” (SALMO 3:6). Dumaing si David,” kay daming kumakalaban sa akin!” (TAL. 1). Sa halip na madaig siya ng takot at duda, tumawag siya sa Dios, ang kanyang “kalasag” (TAL. 3). Kaya naman, “nakakatulog [siya]” dahil ang Dios ang nag-iingat sa kanya (TAL. 5).
Kung may takot, paghihirap ng kaisipan, at kabalisahan, manalangin tayo sa Dios. Sa Kanya matatagpuan ang pag-asa. Kahit na hindi natin agad-agad mararanasan ang kapayapaan kagaya nina Sal at David, “nakakatulog [tayo] ng mapayapa” (4:8). Dahil kasama natin ang Dios, at Siya ang ating kapahingahan.
