Ilang araw nang ngumingiyaw ang maysakit na pusang nasa isang kahon malapit sa pinagtatrabahuhan ko. Walang pumapansin sa pusang itong iniwanan sa kalye. Hanggang isang araw, dumaan si Jun, isang tagawalis ng kalye. Iniuwi ni Jun ang pusa sa kanila. May alaga rin siyang dalawang asong dating gala.

“Inaalagaan ko sila dahil walang pumapansin sa kanila,” sabi ni Jun. “Nakikita ko kasi ang aking sarili sa kanila. Wala ring pumapansin sa isang tagawalis ng kalyeng kagaya ko.”

Gayundin naman, nang papuntang Jerico tungong Jerusalem ang Panginoong Jesus, nadaanan Niya ang isang bulag na nanlilimos sa tabing kalsada. Pakiramdam ng bulag, walang pumapansin sa kanya. Lalo na noong araw na iyon. Maraming mga tao, at nakatuon silang lahat kay Cristo. Walang huminto para tulungan siya.

Pero iba si Jesus. Siya lamang ang tumigil at pumansin sa lalaki. Sa gitna ng maraming taong naghihiyawan, narinig Niya ang tawag ng lalaking itong tila nakalimutan na ng mundo. “Ano ang gusto mong gawin Ko sa iyo?” tanong ni Cristo. Taos-pusong tugon ng bulag, “Panginoon, gusto ko pong makakita.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Makakita ka na! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya” (LUCAS 18:41-42).

Pakiramdam din ba natin, parang hindi tayo pinapansin? Na parang natatabunan ang mga hinaing natin ng mga taong tila mas mahalaga kaysa atin? Nakikita tayo ng ating Tagapagligtas. Sigaw ka lang ng, “Tulong!” Kung walang pakialam ang iba, asahan mong hihinto si Jesus para sa atin.