“Nasaan ang pananampalataya ko? Puro kawalan at kadiliman sa kaibuturan ko... Kung may Dios man, patawarin Mo po ako.”
Magugulat ka marahil kung sasabihin kong si Mother Teresa ang nagsulat ng mga salitang iyon. Kilala si Mother Teresa sa kanyang walang sawang paglilingkod sa mga mahihirap sa Calcutta sa bansang India. Lihim pala siyang nakipagbuno sa kanyang pananampalataya ng higit limang dekada. Pagkamatay niya noong 1997, nakita ang pakikibaka niya nang ilathala ang ilang bahagi ng kanyang journal sa aklat na Come Be My Light.
Tayo, ano ang ginagawa natin sa ating mga pagdududa o sa mga panahong parang wala ang Dios? Iba’t iba man ang ating mga karanasan, maraming mga tapat na nagtitiwala sa Panginoong Jesus ang nakararanas ng mga sandali o panahon ng pagdududa.
Buti na lamang at may isang panalangin sa Biblia na nagpapahayag ng parehong pagtitiwala at kakulangan nito. Sa Marcos 9, nakatagpo ni Jesus ang ama ng isang pinapahirapan ng mga demonyo mula noong bata pa ito (TAL. 21). Sinabi ni Jesus sa ama, “Ang lahat ng bagay ay magagawa ko sa taong sumasampalataya sa Akin” (TAL. 23). Sagot niya, “Sumasampalataya po ako, pero kulang pa. Dagdagan N’yo po ang pananampalataya ko!” (TAL. 24).
Kung mayroon tayong pagdududa, maaari nating gayahin ang amang iyon. Lumapit tayo sa Dios nang may pagtitiwalang mapapatibay Niya ang ating pananalig. Hawak Niya tayo nang mahigpit sa mga pinakamalalim at pinakamadilim na lambak na ating tatawirin.
