Bago matapos ang ika-dalawampung siglo, kahindik-hindik ang kalagayan ng mga manggagawa sa katayan ng mga hayop sa Chicago sa Amerika. Sa hirap na kanilang dinaranas, nagwelga sila. Sa ‘di kalayuan naman, nakatira si Mary McDowell. Nang malaman niya ang kalagayan ng mga manggagawa at kanilang pamilya, tumira siya kasama nila para ipaglaban ang kanilang kalagayan. Tumulong siya sa kanilang mga pangangailangan at tinuruan pa ang mga anak nila.
Ipinaglaban ni Mary na gumanda ang kalagayan ng ibang tao kahit na hindi siya direktang apektado nito. Gayundin naman ang ginawa ni Ester, na reyna ng Persia (ESTER 2:17). Maganda ang kalagayan niya kumpara sa mga kababayan niyang Israelita na noon ay mga dayuhan sa Persia. Ganoon pa man, gumawa ng paraan si Ester para sa mga kababayan niya kahit pa manganib ang buhay niya: “Pupunta ako sa hari kahit na labag sa batas. At kung papatayin man ako, handa akong mamatay” (4:16). Kung tutuusin, maaari naman siyang tumahimik na lang dahil hindi naman alam ng asawa niyang hari na isa siyang Israelita (2:10). Pero hindi niya binalewala ang paghingi ng tulong ng mga kababayan niya. Matapang siyang gumawa ng paraan para ibulgar ang masamang balak laban sa mga kababayan niya.
Hindi man kasing laki ng nagawa ni Mary McDowell o ni Ester ang magagawa natin, makita nawa natin ang pangangailangan ng iba at gamitin ang anumang ibinigay ng Dios para makatulong.
