Nang lumindol sa bansang Syria, natabunan ng gumuhong gusali ang limang taong gulang na batang babae na si Jinan at ang nakababata niyang kapatid. Yakap ang kapatid para hindi ito masaktan, umiiyak siyang humingi ng tulong, “Ilabas n’yo ako dito, gagawin ko anumang gusto n’yo. Pagsisilbihan ko kayo.”
Marami tayong mababasang pagtangis at paghingi ng tulong sa aklat ng Salmo sa Biblia: “Sa aking kagipitan, dumulog ako sa Panginoon” (118:5). Hindi man tayo matabunan ng gumuhong gusali, pamilyar tayong lahat sa takot—marahil mula sa mga problema gaya ng pagkakasakit, kakulangan ng pera, pag-aalala para sa kinabukasan at relasyong nasira.
Sa mga ganitong pagkakataon, marahil nakikiusap tayo sa Dios para tulungan tayo. Pero hindi na natin Siya kailangang pilitin. Dahil nangangako Siya ng sagot. Hindi man sa anyo ng agarang solusyon, ngunit makasisiguro tayong kasama at kakampi natin Siya. Kaya hindi natin kailangang matakot kahit pa sa kamatayan. Gaya ng salmista, maaari nating sambitin, “Kasama ko ang ᴘᴀɴɢɪɴᴏᴏɴ, Siya ang tumutulong sa akin. Makikita ko ang pagkatalo ng aking mga kaaway” (TAL. 7).
Hindi ipinapangako sa atin na magiging katulad ng pagkakaligtas kay Jinan at kanyang kapatid ang mararanasan natin. Pero makakaasa tayong tapat ang ating Dios. Patotoo ng salmista, “Ako’y Kanyang sinagot at iniligtas” (TAL. 5). Makakaasa tayong alam Niya ang sitwasyon natin. Hindi Niya tayo iiwan kahit hanggang kamatayan.
