Mula pa noong ika-labintatlong siglo, tradisyon na ng royal family (pamilya ng hari at reyna) sa United Kingdom ang pagbibigay ng mga regalo sa mga nangangailangan tuwing Huwebes Santo (Maundy Thursday sa Ingles). Nagmula ang kaugaliang ito sa Maundy, na mula sa Latin na mandatum, na ang ibig sabihin ay “utos.” Ang utos na ginugunita nito ay ang utos na ibinigay ni Jesus sa Kanyang mga kaibigan noong gabi bago Siya mamatay: “Magmahalan kayo! Kung paano ko kayo minahal, gayundin naman, magmahalan kayo” (JUAN 13:34 ᴍʙʙ).

Bagama’t isang pinuno, nagpakumbaba si Jesus at ginampanan ang tungkulin ng isang lingkod nang hinugasan Niya ang mga paa ng Kanyang mga kaibigan (TAL. 5). Pagkatapos, sinabihan Niya sila upang gawin din iyon: “Ginawa ko ito bilang halimbawa na dapat ninyong tularan. Kaya gawin din ninyo ang ginawa ko sa inyo” (TAL. 15). Hinigitan pa Niya ang sakripisyo Niya nang ialay Niya ang Kanyang buhay at namatay sa krus (JUAN 19:30). Dahil sa Kanyang habag at pagmamahal, ibinigay Niya ang Kanyang sarili upang ating maranasan ang kaganapan ng buhay.

Simbolo ng pagsunod sa dakilang halimbawa ni Jesus ang tradisyon ng royal family. Hindi man tayo kabilang sa pamilya ng hari at reyna, pero kung magtitiwala tayo kay Jesus, magiging miyembro tayo ng pamilya ng Dios. At puwede rin tayong magpakita ng Kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng Kanyang utos. Habang umaasa tayo sa Banal na Espiritu na baguhin tayo, maaari tayong magbigay sa iba ng malasakit, pagpapalakas ng loob, at biyaya.