Isang mayamang 20-anyos ang nakipagkarerahan kasama ang kanyang mga kaibigan. Nakabangga at nakapatay siya ng isang tao sa kalsada. Sinintensyahan siya ng tatlong taon sa bilangguan. Pero naniniwala ang ilan na hindi siya ang humarap sa korte (at kalaunan ay nagsilbi ng sentensya), kundi isang body double o taong inupahan upang pumalit sa totoong nagkasala. Kilalang nangyayari ang ganitong uri ng panlilinlang sa ilang bansa.
Maaaring hindi ito kapani-paniwala, ngunit mahigit dalawang libong taon na ang nakalipas, si Jesus ang naging kapalit natin. “Siya na walang kasalanan ay pinatay alang-alang sa atin na mga makasalanan” (1 PEDRO 3:18). Siya ang walang kasalanang handog ng Dios, nagdusa at namatay nang minsan para sa lahat ng magtitiwala sa Kanya (HEBREO 10:10). Inako ni Jesus ang parusa para sa lahat ng ating kasalanan. Hindi tulad ng isang taong nagpapabayad para maging kapalit ng isang kriminal, kusang-loob at buong pusong naghandog si Jesus ng Kanyang buhay sa krus para sa atin. Ito ang nagbigay sa atin ng “pag-asa” (1 PEDRO 3:15, 18; JUAN 10:15). Naging tagapamagitan natin si Jesus sa Dios.
Nawa ay magalak tayo at masumpungan ang kapanatagan at katiyakan sa katotohanang si Jesus ang ating kapalit. Makasalanan at nangangailangan tayo ng kaligtasan, ngunit maaari tayong magkaroon ng isang tunay na relasyon sa Dios sa pamamagitan ng kamatayan ni Jesus.
