Bago pumasok sa unibersidad sa lungsod ng Cambridge sa bansang England, mahilig si Charles Simeon sa mga kabayo at mamahaling damit. Ginagastusan niya ito ng malaki taun- taon. Ngunit dahil kailangan niyang dumalo sa mga Communion services (pag-alala sa Banal na Hapunan) sa kanyang kolehiyo, sinimulan niyang pag-aralan ang kanyang pinaniniwalaan. Sa kanyang pagbabasa, nagkaroon ng matinding pagbabago sa kanyang buhay. Nangyari ito mismo ng Easter Sunday (Pasko ng Pagkabuhay). Noong Abril 4, 1779, maagang nagising si Charles at buong kagalakang sumigaw, “Buhay si Jesus! Aleluya! Aleluya!” Simula noon, lumago siya sa kanyang pananampalataya at ibinuhos ang sarili sa pag-aaral ng Biblia, pananalangin, at pagsamba sa Dios.

Nagbago rin ang buhay ng dalawang babaeng pumunta sa libingan ni Jesus noong unang Pasko ng Pagkabuhay. Nakaranas sila ng matinding lindol nang alisin ng anghel ang malaking bato mula sa libingan ni Jesus. Sinabi ng anghel sa kanila: “Huwag kayong matakot, sapagkat alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala Siya rito; Siya ay muling nabuhay, gaya ng sinabi Niya” (MATEO 28:5-6). Sinamba nila si Jesus nang buong galak, at tumakbong pabalik sa kanilang mga kaibigan upang ihayag ang mabuting balita.

Hindi lang para sa kanila ang pagkikipagtagpo sa buhay na Tagapagligtas. Nangyayari rin ito ngayon! Maaari rin tayong magkaroon ng mga karanasang tulad nina Charles Simeon o ng mga babaeng nagpunta sa libingan. Pero kahit hindi ganoon katindi ang ating karanasan, makatitiyak tayo sa Kanyang pag-ibig at pagkilos sa ating buhay.