Naglalagas ang tanim naming blue spruce (isang uri ng puno). Kaya tumawag kami ng eksperto sa puno. Isang tingin pa lang, alam na niya ang dahilan. Sabi niya, “Normal lang iyan. Ganyan talaga ang spruce.” Umasa akong may ibang paliwanag siya, ngunit ganoon pa rin ang sagot niya. Likas sa punong ito ang maglagas. Hindi ito maaaring magbago.
Salamat sa Dios dahil hindi tulad ng spruce, may pag-asang mabago ang ating espirituwal na buhay. Sinabi ito ni Apostol Pablo sa mga bagong mananampalataya sa Efeso. Paliwanag niya, “nadiliman ang isipan” ng mga hindi nakakakilala sa Dios. Matigas ang kanilang puso at “laging sabik na sabik gumawa ng karumihan” (EFESO 4:18-19). Ngunit dahil “natutunan n’yo [ang] tungkol kay Cristo” at ang Kanyang katotohanan, “talikuran n’yo
na ang dati ninyong pamumuhay dahil gawain ito ng dati ninyong pagkatao” (TAL. 22). Dagdag pa ni Pablo tungkol sa kanilang dating pagkatao: “Ito ang siyang nagpapahamak sa inyo dahil sa masasamang hangarin na dumadaya sa inyo. Baguhin n’yo na ang inyong pag-iisip at pag-uugali. Ipakita n’yong binago na kayo ng Dios at binigyan ng buhay na matuwid at banal katulad ng sa Dios” (TAL. 22-24).
Pagkatapos, binanggit ni Pablo ang bagong pamamaraan ng pamumuhay. Huwag magsinungaling. Labanan ang galit. Tumigil sa pagmumura. Huwag magnakaw. “Sa halip ay maghanapbuhay siya nang marangal para makatulong din siya sa mga nangangailangan” (TAL. 28).
Ang ating bagong pagkatao kay Cristo ang magbibigay-daan sa atin upang mamuhay nang naaayon sa pagtawag Niya sa atin. Isang buhay na lumalakad sa daan ng pagsunod sa paraan ng ating Tagapagligtas.
