Ayon sa pag-aaral, mas masaya, mas mahimbing ang tulog, at mas bihirang magkasakit ang mga taong mapagpasalamat. Kaya naman hinihimok ng mga psychologist na itala natin ang limang bagay na ipinagpapasalamat natin kada linggo.

Matagal nang itinuturo ng Biblia ang kahalagahan ng pasasalamat. Mula sa pagkain at pag-aasawa (1 TIMOTEO 4:3-5) hanggang sa kagandahan ng kalikasan (SALMO 104), hinihikayat tayo ng Biblia na tingnan ang mga bagay na ito bilang mga regalo. Pagkatapos, magpasalamat sa Siyang nagbigay sa atin ng mga regalong ito. Sa Salmo 107, binanggit ang limang bagay na dapat ipagpasalamat ng Israel: pagliligtas mula sa ilang (TAL. 4-9), pagpapalaya mula sa pagkabihag (TAL. 10-16), kagalingan mula sa sakit (TAL. 18-22), kaligtasan sa karagatan (TAL. 23-32), at kasaganaan sa tuyong lupain (TAL. 33-42). “Magpasalamat sa ᴘᴀɴɢɪɴᴏᴏɴ,” paulit-ulit na paalala sa salmo, dahil tanda ang lahat ng ito ng Kanyang “walang hanggang pag-ibig” (TAL. 8, 15, 21, 31).

Kung mayroon kang kuwaderno ngayon, bakit hindi mo subukang maglista ng limang bagay na ipinagpapasalamat mo sa araw na ito? Pwedeng pagkain, pamilya, o mga pagkakataong iniligtas ka ng Dios. Magpasalamat sa mga ibong umaawit sa labas, sa nakatatakam na amoy mula sa kusina, sa kaginhawahang dulot ng iyong upuan, at sa mga salita mula sa mga mahal mo. Ang bawat isa ay biyaya at tanda ng walang hanggang pag-ibig ng Dios.