Madalas kong biruin ang biyenan ko tungkol sa kakayahan niyang ‘makipag-usap’ sa mga aso niya. Kapag tumahol ang mga ito, tila naiintindihan niya ang ibig nilang sabihin, at sinasagot niya sila nang may pagmamahal. Marahil ngayon, maaari nang malaman ng mga may alagang aso kung tumatawa ang mga ito. Natuklasan kasi ng mga siyentipiko na maraming hayop gaya ng mga aso, baka, at lobo ang may tinatawag na vocal play signals, o mas kilala bilang pagtawa. Tumutulong itong mas malaman na nakikipaglaro sila at hindi nakikipag-away.

Nakatutuwang isiping nakapagpapahayag ng saya at pagtawa ang mga hayop. Nagpapakita itong may natatanging paraan ang iba pang sangnilikha upang purihin ang Dios. Tulad sa kwento ni Haring David, nang makita niyang “ang mga burol ay parang mga taong puno ng kagalakan” at “ang lahat ng mga lugar na ito ay parang mga taong umaawit at sumisigaw sa kagalakan” (SALMO 65:12-13). Napatunayan ni David na inalagaan at pinagyaman ng Dios ang lupain nang pagkalooban Niya ito ng kagandahan at kasaganaan.

Bagama’t hindi literal na umaawit ang ating kapaligiran, patunay ang buong nilikha ng aktibong pagkilos ng Dios. Dahil dito, iniimbitahan din tayo upang magpuri sa Kanya. Bilang bahagi ng mundong nilikha ng Dios, nawa’y mapuno tayo ng paghanga sa Kanyang kamangha-manghang gawa at tumugon sa Kanya nang “napapasigaw sa tuwa” (TAL. 8). At maaari tayong manalig na pakikinggan at mauunawaan Niya ang ating pagpupuri.