Naniniwala si Nora na kailangang ipaglaban ang katarungan, kaya sumali siya sa isang mapayapang protesta. Naglakad sila sa lungsod nang may nakabibinging katahimikan. Ngunit biglang may dumating na dalawang bus, sakay ang mga nais manggulo mula sa ibang bayan. Nauwi ang lahat sa kaguluhan. Labis ang lungkot ni Nora, kaya umalis na lang siya. Pakiramdam niya, nauwi sa wala ang kanilang mabuting layunin.
Tulad noon ang naranasan ni Apostol Pablo nang bumisita siya sa templo sa Jerusalem. Nakita siya ng “mga Judiong mula sa lalawigan ng Asia” (GAWA 21:27). Laban sila kay Pablo dahil itinuring nilang banta si Jesus sa kanilang pamumuhay. Kaya nagkalat sila ng mga kasinungalingan at tsismis laban kay Pablo, na naging mitsa ng kaguluhan (TAL. 28-29). Hinila si Pablo palabas ng templo at binugbog ng mga galit na tao.
Habang inaaresto, humiling si Pablo sa Romanong pinuno na payagan siyang magsalita (TAL. 37-38). Nang pumayag ito, ginamit ni Pablo ang wika nila. Nagulat sila at agad nakinig (TAL. 40). Sa isang iglap, ang kaguluhan ay naging pagkakataon para ibahagi ni Pablo ang kanyang kwento ng pagliligtas (22:2-21).
May mga taong gustong lumikha ng gulo at pagkakawatak-watak. Ngunit huwag mawalan ng pag-asa dahil hindi sila magtatagumpay. Naghahanap ang Dios ng matatapang na mananampalataya na magpapahayag ng Kanyang liwanag at kapayapaan dito sa mundo. Maaaring maging pagkakataon ang isang krisis upang ipakita ang pag-ibig ng Dios.
