Matagal nakipaglaban sa depresyon ang makatang si William Cowper. Matapos magtangkang magpakamatay, dinala siya sa isang asylum (lugar pahingahan). Doon, inalagaan siya ng isang doktor na nagtitiwala kay Cristo. Nagtiwala din siya kay Jesus. Di naglaon, nakilala niya si John Newton, isang pastor at manunulat ng himno. Hinimok siya ni John na tumulong sa pagsusulat ng himnaryo para sa kanilang simbahan. Isa sa mga isinulat na himno ni Cowper ang God Moves in a Mysterious Way. Sumasalamin ito sa kanyang matinding karanasan: “Kayong mga natatakot, humugot ng bagong tapang; ang mga ulap na inyong kinatatakutan, ay puno ng awa—magbubuhos ng pagpapala sa inyong ulo.”

Tulad ni Cowper, naranasan din ng mga taga Juda ang hindi inaasahang kabutihan ng Dios. Nang salakayin sila ng maraming hukbo ng kanilang mga kaaway, tinipon ni Haring Jehoshafat ang bayan upang manalangin. Habang lumalakad ang kanilang hukbo, umaawit ng papuri sa Dios ang mga nasa unahan ng pulutong (2 CRONICA 20:21). Sa hindi inaasahang pangyayari, naglaban-laban ang kanilang mga kaaway, at “wala kahit isang buhay” (TAL. 24). Napakarami nilang nasamsam na kayamanan, at inabot sila ng tatlong araw sa pangangalap nito (TAL. 25).

Sa ikaapat na araw, tinawag na Libis ng Beraca ang lugar kung saan nagtipon ang mga hukbong dapat sana’y sasakop sa bayan ng Dios (TAL. 26). Nangangahulugan ito ng “libis ng papuri” o “pagpapala.” Kayang baguhin ng awa ng Dios ang ating libis ng pagsubok para gawing libis ng papuri kung isusuko natin ito sa Kanya.