Naglakbay kaming magkakapatid mula sa iba’t ibang lugar upang dumalo sa libing ng aming tiyuhin. Bumisita rin kami sa aming lola na noo’y siyamnapung taong gulang na. Dahil sa stroke, naparalisa siya at nawalan ng kakayahang magsalita. Kanang kamay na lang ang tanging naigagalaw niya. Habang nakapalibot kami sa kanya, inabot niya ang aming mga kamay at pinagpatong-patong sa kanyang dibdib. Sa kilos na ito, ipinaalala niya sa aming magkakapatid na matagal nang magkakahiwalay ang isang mahalagang katotohanan: “Mahalaga ang pamilya.”
Ganoon din sa pamilya ng Dios—ang iglesya. Minsan, hinahayaan nating sirain tayo ng sama ng loob at pagkakawatak-watak. Sa Hebreo 12:16, binanggit ang kapaitang naglayo kay Esau at sa kanyang kapatid. Hinahamon tayo nitong panghawakan ang ating relasyon sa isa’t isa bilang pamilya ng Dios. “Pagsikapan ninyong mamuhay nang may mabuting relasyon sa lahat ng tao” (TAL. 14). Nangangahulugan ang salitang “pagsikapan” ng pagkakaroon ng intensyon at paglalaan ng aktibong hakbang upang mapanatili ang kapayapaan sa ating mga kapatid sa pananampalataya. At ito ay para sa lahat.
Mahalaga ang pamilya. Kasama dito ang ating pisikal na pamilya at ang ating pamilya sa pananampalataya. Handa ba tayong maglaan ng pagsisikap upang mapanatili ang pagkakaisa at pagmamahal sa isa’t isa?
