Sa bansang Germany, may mga magnanakaw na tumangay ng isang truck ng tsokolate. Higit 20 tonelada iyon at nagkakahalaga ng tinatayang $80,000 o milyun-milyong piso. Dahil dito, nagbabala ang mga pulis na magsumbong agad kung may makitang nagbebenta ng maraming tsokolate sa hindi pangkaraniwang paraan. Siguradong haharap sa matindi at mapait na parusa ang mga nagnakaw kapag nahuli sila.

Itinuturo ng Kawikaan ang prinsipyong ito: “Pagkaing nakuha sa pandaraya sa una ay matamis ang lasa, ngunit sa huli ay lasang buhangin na” (KAWIKAAN 20:17). Maaaring matamis sa una ang mga bagay na nakuha sa maling paraan. Magbibigay ito ng panandaliang sarap at kasabikan. Ngunit sa kalaunan, mawawala ang tamis at hahantong ang ating panlilinlang sa pagsisisi at kapahamakan. Mapait ang kapalit ng kasalanan, at maaaring mauwi sa pagkasira ng buhay at reputasyon. “Ang mga ginagawa ng isang kabataan ay nagpapakita ng kanyang tunay na pag-uugali, kung siya ba ay matuwid o hindi” (TAL. 11). Nawa’y ipakita ng ating mga salita at gawa ang isang pusong dalisay sa Dios, hindi ang kapaitan ng makasariling pagnanasa.

Sa tuwing humaharap tayo sa tukso, humingi tayo ng lakas sa Dios upang manatili tayong tapat sa Kanya. Tulungan nawa Niya tayong makita ang kaakibat na pait ng panandaliang “tamis” ng tukso, at ituro sa atin ang pangmatagalang kahihinatnan ng ating mga desisyon.