Sa istoryang The Wise Woman (Ang Marunong na Babae), ikinuwento ni George MacDonald ang tungkol sa dalawang batang babae. Dahil sa kanilang pagiging makasarili, nagdudulot sila ng paghihirap sa ibang tao, pati na rin sa kanilang mga sarili. May isang marunong na babae ang nagbigay sa kanila ng mga pagsubok upang tulungan silang maging “kaibig-ibig” muli.

Matapos silang mabigo sa bawat pagsubok, naisip ni Rosamond, ang isa sa mga bata, na hindi niya mababago ang kanyang sarili. “Hindi mo ba ako matutulungan?” tanong niya sa marunong na babae. “Dahil tinanong mo ako, sige.” Inilalarawan ng marunong na babae ang Dios. At sa tulong niya, nagsimulang magbago si Rosamond. Pagkatapos, tinanong niya kung mapapatawad ba siya ng marunong na babae sa lahat ng mga kaguluhang nagawa niya. Sagot nito, “Kung hindi kita pinatawad noon, hindi na sana ako nag-abalang disiplinahin ka ngayon.”

May mga pagkakataong dinidisiplina tayo ng Dios, at mahalagang maunawaan natin ang dahilan. “Sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal Niya, at pinapalo Niya ang itinuturing Niyang mga anak” (HEBREO 12:6). Ninanais din Niya na “maging banal tayong gaya niya” at mamunga tayo ng “mapayapa at matuwid na pamumuhay” (TAL. 10-11). Nagdudulot ng paghihirap ang pagiging makasarili. Ngunit sa pamamagitan ng kabanalan, nagiging kagaya tayo ng katangian ni Jesus: buo, puno ng kagalakan, at “kaibig-ibig.”

Sa bandang huli ng kuwento, tinanong ni Rosamond ang marunong na babae kung paano nito nagagawang mahalin ang isang makasariling tulad niya. Hinalikan siya ng marunong na babae at sinabi, “Dahil nakita ko na ang magiging kinabukasan mo.” Gayundin ang pagdidisiplina ng Dios. May kasama itong pagmamahal at pagnanais na mahubog tayo sa Kanyang kabanalan.