“Ano ang pinagsisisihan ko?” Iyan ang sinagot ni George Saunders, tanyag na manunulat sa lathalaing New York Times, nang magsalita siya sa mga estudyanteng magtatapos sa Syracuse University noong 2013. Inisa-isa niya ang ilang bagay na maaaring iniisip ng iba na pinagsisisihan niya. Halimbawa, ang pagiging dukha at walang magandang trabaho. Pero ayon sa kanya, hindi niya pinagsisisihan ang mga iyon. Ang tunay na pinagsisisihan niya ay ang mga pagkakataong nabigo siyang magpakita at magbahagi ng kabaitan sa iba.

Sa Biblia naman, sumulat si Apostol Pablo sa mga mananam- palataya sa Efeso para sagutin ang tanong na ito: Ano ang larawan ng buhay ng isang nagtitiwala kay Jesus? Nakatutuksong sumagot kaagad. Halimbawa, ang pagiging konserbatibo, pag-iwas sa mga libro o palabas na may malaswang tema, o pagsamba sa isang partikular na paraan. Pero hindi limitado sa mga karaniwang bagay ang sagot ni Pablo. Binanggit din naman niyang huwag “magsasalita ng masama” (EFESO 4:29) at alisin ang “samaan ng loob, galit, pag-aaway, pambubulyaw, paninira sa kapwa, pati na ang lahat ng uri ng masasamang hangarin” (TAL. 31). Pero binilin din niya sa bandang huli na “maging mabait kayo at maawain sa isa’t isa” (TAL. 32). Bakit? Dahil naging mabait din sa atin ang Dios sa pamamagitan ni Cristo.

Kapag iniisip natin ang larawan ng isang buhay na inilaan kay Cristo, maraming bagay ang nasa listahan natin. Isa lang ang natitiyak ko. Kasama dapat ang pagiging mabait sa kapwa.