Dati, matindi ang lungkot ni Holly Cooke kapag walang pasok sa opisina. Bagong lipat siya noon sa lungsod ng London, at wala siyang kaibigan doon. Una pa naman ang London sa listahan ng mga lugar kung saan mapanglaw ang pakiramdam ng marami. 55 porsyento ng taga London ang nagsabing malungkot sila, kumpara sa 10 porsyento lang sa lungsod ng Lisbon sa bansang Portugal. Ayon iyan sa isang survey.
Takot man, sinimulan ni Holly sa social media ang Samahan ng Malulungkot na Babae sa London. Halos tatlumpu’t limang libo ang sumali. Nagtitipon tipon sila tuwing makailang-linggo. Minsan, nagpi-picnic sila sa parke, naghahapunan sa restawran, nagsasanay gumawa ng alahas at ibang uri ng art, at nag-eehersisyo kasama ang mga alaga nilang tuta.
Hindi na bago ang hamong dala ng lungkot. Gayundin naman, matagal nang nariyan ang Manggagamot ng lungkot: ang Dios. Sa aklat ng Salmo, sinabi ni Haring David na “ibinibigay [ng Dios] sa isang pamilya ang sinumang nag-iisa sa buhay. Pinalalaya rin niya ang mga binihag nang walang kasalanan” (68:8). Kaya maaari tayong humiling sa Dios na bigyan Niya tayo ng mga kaibigang sumusunod sa halimbawa ni Cristo. Dagdag pa ng hari, “Ang Dios... ang nangangalaga sa mga ulila at tagapagtanggol ng mga biyuda” (TAL. 5). “Purihin ang Panginoon, ang Dios na ating Tagapagligtas na tumutulong sa ating mga suliranin sa bawat araw” (TAL. 19).
Hindi lang tayo binibiyayaan ni Jesus ng mga kaibigan. Siya mismo ang ating pangunahing kaibigan.
