Labandera si Oseola McCarty. Matapos ang pitong dekada ng pagkukusot, pagbabanlaw, at pamamalantsa ng damit gamit ang kamay, handa na siyang magretiro sa edad na walumpu’t-anim. Masinop pala niyang inipon ang kakarampot niyang kita. Nagulat ang lahat nang magbigay siya ng donasyong $150,000 (aabot sa walong milyong piso) sa kalapit na paaralan para pondohan ang scholarship ng mga nangangailangan. Naging inspirasyon ito sa marami kaya daan-daang tao ang nagbigay rin ng donasyon. Naging triple ang pondong ibinigay ni Oseola.

Batid ni Oseola ang tunay na halaga ng yaman niya. Para ito maging biyaya sa iba, hindi sa pansariling kapakanan. Katulad iyan sa nakatala sa Biblia. Hinikayat ni Apostol Pablo ang lingkod ni Jesus na si Timoteo na turuan ang mga mayayaman sa mundo na “maging mayaman sa mabubuting gawa” (1 TIMOTEO 6:18). Binigyan tayong lahat ng yaman upang pangalagaan, pera man ito o iba. Imbes na sa yaman magtiwala, paalala ni Pablo na sa Dios lang tayo dapat umasa at mag-impok tayo ng yaman sa langit sa pamamagitan ng pagiging “mapagbigay at matulungin” (TAL. 17-18).

Sa pananaw ng Dios, mas lalo lang nating madarama ang kawalan kung magdaramot tayo. Ang pagbibigay sa iba dahil sa pag-ibig ang daan tungo sa tunay na kagalakan. Malaking kapa- kinabangan sa atin ang mamuhay “nang banal at kontento na sa kalagayan” (TAL. 6) imbes na walang humpay na pagnanasa para sa mas marami pa. Ano kaya kung maging mapagbigay rin tayo tulad ni Oseola? Pagsumikapan nating maging mayaman sa mabubuting gawa ayon sa gabay ng Dios.