Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, binomba ang gusali ng Kongreso sa bansang Britanya. Sinabi ng Punong Ministro nilang si Winston Churchill na kailangang itayo ulit ito ayon sa unang disenyo: maliit para makapagdebate nang harapan at hugis bilu-haba para may pagkakataon ang mga pulitiko na “gumalaw sa gitna.” Blang paliwanag, sinabi ni Churchill, “Hinuhubog natin ang mga gusali at pagkatapos, ang mga gusali naman ang humuhubog sa atin.”

Tila sang-ayon diyan ang Dios. Sa Biblia, pitong kabanata sa Exodus ang inilaan para sa tagubilin sa paggawa ng Toldang Sambahan (KAB. 25-31). Anim na kabanata naman ang inilaan upang ilarawan kung paano ginawa ito ng mga Israelita (KAB. 35-40). Mahalaga sa Dios ang pagtitipon nila at pamamaraan ng pagsamba sa Kanya. Pagpasok pa lang ng mga tao sa bakuran, masisilayan na nila ang kinang ng ginto at makulay na kurtina ng Toldang Sambahan (26:1, 31-37). Paalala naman sa halaga ng kapatawaran ang altar na pagsusunugan ng handog (27:1-8) at ang planggana ng tubig (30:17-21). Mayroon ding lalagyan ng ilaw (25:31-40), mesa ng tinapay (25:23-30), altar na pagsusunugan ng insenso (30:1-6), at kahon ng kasunduan (25:10-22). Mahalaga ang bawat detalye.

Maaaring wala tayo ngayong kasing detalyadong tagubilin mula sa Dios tungkol sa lugar kung saan tayo nagtitipon para sumamba sa Kanya. Pero hindi ibig sabihin na hindi na mahalaga ang pagsamba natin. Tayo nga mismo ang toldang inilaan para panuluyan Niya. Maging paalala nawa sa atin ang pamumuhay natin kung sino Siya at kung ano ang ginagawa Niya.