Kamakailan, bumiyahe ako sa Los Angeles. Umarkila ako ng kotse para aking magamit. Hindi nagtagal, nagmamaneho na ako sa makikitid na kalsada na puno ng sasakyan at mga tao. Napansin kong mas maingat at mas mabagal akong magmaneho kaysa sa nakasanayan ko. Bakit? Siyempre, ayokong maaksidente. Pero higit sa lahat, ayokong masira ang nirentahan kong sasakyan. Hindi naman kasi iyon sa akin.

Kadalasan, mas gusto nating maging may-ari kaysa  sa nagrerenta. Pero habang nagmamaneho ako, may isang mahalagang katotohanan akong naisip tungkol sa relasyon ko sa Dios.

Itinuturo ng Biblia na kahit ang ating katawan na madalas nating isipin na pag-aari natin ay hindi talaga sa atin. Ipinaalala naman ni Apostol Pablo na, "Hindi baʼt ang katawan ninyo ay templo ng Banal na Espiritung nasa inyo at tinanggap ninyo mula sa Dios? Kung ganoon, ang katawan ninyoʼy hindi sa inyo kundi sa Dios, dahil tinubos kayo ng Dios sa napakalaking halaga. Kaya gamitin ninyo ang inyong katawan sa paraang ikapupuri ng Dios." (1 Corinto 6:19–20 ASND).

Hindi madaling maunawaan na hindi pala talaga natin pag-aari ang ating katawan. Gayunman, hinihikayat tayo ng Dios na parangalan Siya sa paraan ng paggamit natin nito. Inaasahan Niyang pangangalagaan natin ang ating katawan at alalahaning regalo itong ipinagkatiwala Niya sa atin. Ginawa Niya ito upang magamit natin ang ating buhay sa paggalang at paglilingkod sa Kanya—ang Siyang nag-alay ng Kanyang sariling katawan at nagbuhos ng Kanyang dugo sa krus para iligtas tayo.