Minsan, dinalaw ko si Jose na aking kaibigan. Mayroon siyang malalang sakit at may taning na ang buhay niya. Noong una ko siyang bisitahin, gising pa siya at nakakausap nang maayos. Ngunit pagbalik ko makalipas ang isang linggo, nanghihina na siya at hindi na makapagsalita. Gayunman, naupo pa rin ako kasama niya at ng kanyang pamilya. Bago ako umalis, lumingon ako sa huling pagkakataon at sinabi, "Mahal kita," nang hindi umaasang may maririnig pa akong tugon. Pagtingin ko kay José, nakita kong gumagalaw ang kanyang mga labi. Tahimik niyang binibigkas ang mga salitang, "Mahal din kita."
Malalim ang naiiwang alaala ng mga huling salitang binibigkas ng isang tao. Bago naman bumalik si Jesus sa Kanyang Ama sa langit matapos ang Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay, tiniyak Niya sa Kanyang mga alagad na nasa Kanya ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa (Mateo 28:18). Pagkatapos, ibinigay Niya ang dakilang misyong ito: "Kaya puntahan ninyo ang lahat ng mga lahi at gawin silang mga tagasunod ko. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Banal na Espiritu. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos Ko sa inyo.” (tal. 19–20 asnd). Ipinangako pa ni Jesus, "Lagi ninyo Akong kasama hanggang sa katapusan ng mundo" (tal. 20).
Ang mga huling salitang iniwan ni Jesus ay naririnig pa rin natin hanggang ngayon. Nawa'y buong puso nating tanggapin ang Kanyang paanyayang ipahayag ang Magandang Balita sa iba upang maranasan din nila ang pag-ibig at kapatawaran ni Jesus. Napakaganda ng mensaheng ito para sarilinin lamang. Dapat itong maibahagi sa lahat ng tao.
