Napatawa si Michael nang makita niyang nagtatago ang limang taong gulang na anak niyang si Grace sa likod ng menu habang naghihintay sila ng pagkain sa isang café. Naglalaro sila ng taguan. Akala ni Grace, kapag hindi niya nakikita ang kanyang ama, hindi rin siya nito nakikita. Nakakatuwang pagmasdan ang inosenteng pag-iisip na iyon.

Pero nang balikan ni Michael ang pangyayaring iyon, may isang mahalagang aral siyang napagtanto. Hindi rin kaya ganoon ang iniisip natin kung minsan? Akala ba natin maitatago natin ang ating mga kasalanan sa Dios? Iniisip ba nating dahil hindi natin Siya nakikita, hindi rin Niya tayo nakikita?

Ganito rin ang paalala ng Dios sa Aklat ni Propeta Amos. Sa pamamagitan ng propeta, binalaan Niya ang mga Israelita na huwag isipin na makatatakas sila sa bunga ng kanilang kasalanan. Sinabi ng Dios, “Kahit magtago pa sila... hahanapin Ko sila.” At idinagdag pa Niya, “Hindi Ko sila aalisan ng tingin” (Amos 9:3–4). Walang anumang nalilihim sa Dios. Nakikita at nalalaman Niya ang lahat.

Gayon pa man, kasabay ng babalang iyon, nagbigay rin ang Dios ng pag-asa. Nangako Siyang ibabalik at ibabangon ang Kanyang bayan, “Darating ang araw na muli Kong itatayo ang kaharian ni David na tulad sa kubong nawasak. Aayusin Ko ito sa kanyang pagkakagiba at itatayong muli kagaya noong una” (tal. 11 asnd). Matapos nilang harapin ang bunga ng kanilang kasalanan, muli Niya silang pagpapalain at babaguhin ang kanilang buhay (tal. 13–15).

Nakikita ng Dios ang ating mga pagkukulang, ngunit nakikita rin Niya ang ating pagsisisi. Handa Siyang magpatawad at ayusin muli ang nasirang relasyon sa Kanya. Kaya sa halip na magtago sa Kanya, lumapit tayo nang may pagtitiwala. Ang ating banal at matuwid na Dios ay sagana sa habag at biyaya.