Masyadong abala ang marami sa Amerika tuwing pagkatapos ng pasko. Abala sila sa pagbabalik ng mga hindi nila nagustuhang iniregalo sa kanila sa tindahan kung saan binili ang natanggap nilang regalo. Iilan lang sa mga kakilala natin ang sakto ang regalo at tiyak na magugustuhan natin. Paano kaya nila nalalaman ang gusto talaga nating matanggap? Dapat kinikilala natin ang taong pagbibigyan natin. Dapat din nakikinig tayo sa mga sinasabi niya at alam natin ang mga nagpapasaya sa kanya.
Ang ganitong paraan ng pagpili ng ireregalo ay saktung-sakto kung para ito sa ating kapamilya at kaibigan. Pero sakto naman kaya ito kung sa Dios tayo mag- bibigay? Mayroon pa bang bagay na hindi Niya pag-aari? Mayroon pa bang mahalagang bagay na maibibigay natin sa Dios?
Sinabi sa Roma 11:33-36 na isinulat ni apostol Pablo na nilikha ng Dios ang lahat ng bagay at ipinapakita nito kung gaano Siya kadakila. Kaya naman, wala tayong maibibigay sa Dios kundi ang mismong, “katawan [natin] bilang mga handog na buhay, banal at kalugod-lugod sa Kanya. Ito ang tunay na pagsamba sa Kanya” (ROMA 12:1 ASD). Sa halip na umayon tayo sa takbo ng mundo, “hayaan [nating] baguhin [tayo] ng Dios sa pamamagitan ng pagbabago ng [ating] mga isipan” (TAL. 2 ASD).
Ano ang maibibigay nating regalo sa Dios ngayon? Ang ating buong pagkatao. Ang ating mga iniisip, ninanais at nadarama na nagpapakita ng ating pagpapasalamat, pagpapakumbaba at pagmamahal sa Kanya. Ito ang pinakananais ng Dios na matanggap mula sa atin.