Si Don ay isang aso na alaga ni Tom. Nakatira sila sa isang bukid. Minsan, umalis si Tom at isinama niya si Don para tingnan ang mga alaga niyang hayop na nasa burol. Pagdating nila doon, iniwan ni Tom si Don sa loob ng sasakyan. Nakalimutan nga lang ni Tom na iangat ang pampreno ng kanyang sasakyan kaya umabante ito pababa ng burol hanggang sa makatawid sa kalsada bago ito huminto. Inakala naman ng ibang mga drayber na ang asong si Don ang nagmamaneho ng sasakyan nang makita nila ang sasakyan na patawid ng kalsada. Hindi lahat ng inaakala natin ay iyon nga ang nangyayari.
Inakala naman ng lingkod ni Eliseo na isang propeta ng Dios na madadakip na sila ng hukbo ng hari ng Aram. Napapaligiran na kasi ang lugar kung nasaan sila at pakiramdam niya ay wala na silang pag-asang makaligtas. Sinabi ni Eliseo sa kanyang lingkod, “Huwag kang matakot. Mas marami tayong kasama kaysa sa kanila” (2 HARI 6:16 ASD). Nang nananalangin ang propetang si Eliseo, nakita ng lingkod niya ang hukbo ng Dios na nakahanda para protektahan sila.
Huwag nating iisipin na wala ng solusyon ang mga sitwasyon na inaakala nating wala ng pag-asa. Sa halip, sa tuwing nararamdaman natin na talunan tayo ay magandang alalahanin na kasama natin ang Dios. Lagi Siyang handang tumulong at mag-utos sa “Kanyang mga anghel upang bantayan ka at ingatan saan ka man magpunta” (AWIT 91:11 ASD).