Gusto ng anak ko na naririnig palagi ang boses ko, maliban na lang kung tinatawag ko siya ng pasigaw, “Anak nasaan ka?” Sa tuwing ginagawa ko iyon, malamang ay may ginawa siyang hindi maganda at pinagtataguan ako. Nais kong pansinin ng anak ko ang pagtawag ko sa kanya dahil nag-aalala ako at ayaw ko siyang masaktan sa ginagawa niyang hindi maganda.
Naririnig nina Adan at Eba ang boses ng Dios noong nasa hardin pa sila. Minsan, tinawag sila ng Dios, pero sa halip na lumapit ay nagtago sila (GENESIS 3:9). Mayroon kasi silang hindi magandang ginawa–kinain nila ang bunga na ipinagbabawal sa kanila ng Dios na kainin (TALATANG 11). Hindi sila makaharap sa Dios dahil sa kanilang pagsuway sa Kanya.
Tinawag at kinausap ng Dios sina Adan at Eba. Sinabi ng Dios sa kanila ang bunga ng kanilang pagsuway para ituwid sila (TALATANG 13-19). Pero ipinakita pa rin ng Dios ang Kanyang kabutihan sa kanila at ipinangako na ililigtas Niya ang sangkatauhan na magdudulot ng pag-asa sa lahat (TALATANG 15).
Hindi tayo kailangang hanapin ng Dios. Alam Niya kung nasaan tayo. Alam din Niya kung ano ang itinatago natin sa Kanya. Pero bilang isang mapagmahal na Ama, nais ng Dios na kausapin tayo, patawarin kapag nakakagawa tayo ng kasalanan at ituwid sa ating mga pagkakamali. Ninanais ng ating Panginoon na pakinggan natin Siya.