Noong Agosto 2010, nakaabang ang buong mundo sa balita tungkol sa isang minahang gumuho sa bansang Chile. May 33 minero ang naiwan sa ilalim ng minahan. Inaakala ng mga minero na wala nang makakatulong sa sitwasyon nila. Pero ang hindi nila alam ay marami ang naghahanap sa kanila sa pamamagitan ng paghuhukay. Pagkalipas ng 17 araw, may narinig ang mga minero na may naghuhukay. Naghukay ang mga sumasaklolo ng tatlong butas para madaanan ng mga pagkain, tubig at gamot para sa mga minero. Nakaasa ang mga minero sa mga ipinapadala sa kanila para mabuhay hanggang mailigtas silang lahat.
Lahat ng nabubuhay sa mundong ito ay may pangangailangan na hindi kayang tugunan ng sarili lamang. Tulad ng mga minero na nakadepende lamang sa dumadaang tulong mula sa butas, makakaasa rin tayo ng tulong mula sa Dios sa pamamagitan ng pananalangin.
Hinihikayat tayo ni Jesus na idalangin ang ating pangangailangan, gaya nito: “Ibigay Mo sa amin ngayon ang aming kakanin sa araw-araw” (MATEO 6:11 NPV). Noong panahon ni Jesus, inilalarawan ng tinapay ang pang-araw-araw na pangangailangan ng tao. Tinuturuan naman tayo ni Jesus na hindi lamang ang pangangailangan ng ating katawan ang ating idalangin, kundi pati ang pagkakaroon ng lakas ng loob, karunungan sa tamang pagpapasya at kaginhawaan.
Malaya tayong makakalapit sa Dios sa pamamagitan ng panalangin kahit anong oras at nalalaman Niya ang ating pangangailangan bago pa man natin ito hingin sa Kanya (TALATANG 8). Ano ang iyong ipinag-aalala ngayon? “[Ang Dios ay] malapit sa lahat ng tapat na tumatawag sa [Kanya]” (AWIT 145:18 ASD).