Habang nagmamaneho ang isang lalaki, nakita niya ang isang babae na naglalakad at may bitbit na mabigat. Inalok niya itong sumakay na lang sa kanyang sasakyan. Sumakay naman ang babae at nagpasalamat. Makalipas ang ilang sandali, napansin ng lalaki na hindi pa rin ibinababa ng babae ang kanyang bitbit. Sinabi nito sa babae, “Puwede n’yo pong ibaba ang inyong bitbit nang makapagpahinga po kayo. Kayang-kaya po kayo ng sasakyan ko. Relaks lang po kayo d’yan!”
Minsan, katulad ako ng babaeng iyon na ayaw bitawan ang mabigat niyang bitbit. Sa halip na magtiwala at ibigay ko sa Panginoong Jesus ang mga pasanin ko ay sinasarili ko lamang ito. Ano ba ang ginagawa natin sa tuwing natatakot, nagaalala at nahihirapan tayong harapin ang mga pagsubok sa buhay? Sinabi ni Jesus, “Lumapit kayo sa Akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatan sa inyong pasanin at bibigyan Ko kayo ng kapahingahan” (MATEO 11:28 ASD). Gayon pa man, sa kabila ng paanyayang ito ni Jesus, madalas ay hindi ko pa rin ibinibigay sa Kanya ang mabibigat kong pasanin sa buhay.
Idalangin natin sa Dios ang mga pasanin natin. Sinabi ni Pedro na apostol ni Jesus, “Ipagkatiwala n’yo [kay Jesus] ang lahat ng kabalisahan n’yo dahil nagmamalasakit Siya sa inyo” (1 PEDRO 5:7 ASD). Sa halip na dalhin nating mag-isa ang mga problema na nagpapabigat sa atin at nagdudulot ng pagaalala, ibigay natin ang mga ito sa Panginoong Jesus. Hayaan natin na Siya ang magdala nito para sa atin.