Noong 2014, nagkaroon ng malaking butas sa ilalim ng lupa sa mismong kinatitirikan ng National Corvette Museum. Lugar ito kung saan makikita ang mga lumang kotse na ginawa ng kumpanya ng Corvette. Nahulog ang walong lumang kotse sa butas. Lubhang nasira ang ilan sa mga kotse at ang ilan ay imposible nang maayos pa.
Kapansin-pansin naman ang isa sa mga nahulog na kotse dahil ito ang ikaisang milyong kotse na nagawa ng kumpanya ng Corvette. Ginawa ito noong 1992 at ito ang pinakamahal na kotse na nakalagay sa museo. Nakakamangha ang nangyari sa kotseng ito matapos itong makuha sa butas at madala sa pagawaan. Kahit lubhang nasira ang kotse, ginawa itong parang bagong muli tulad nang una siyang nagawa. Ang luma at lubhang sira ay ginawang bago muli.
Ang gagawing pagbabago naman ng Dios sa lahat ay magandang paalala sa lahat ng mga nagtitiwala kay Jesus. Sinabi ni Juan na apostol ni Jesus, “Nakita ko ang bagong langit at ang bagong lupa” (PAHAYAG 21:1 ASD). Maraming dalubhasa sa Biblia ang nagsasabi na ang ‘bagong lupa’ na binanggit sa talata ay tumutukoy sa bagong mundo na inayos ng Dios. Aayusin ng Dios ang lahat dito sa mundo at gagawing bago muli. At kahit ginawa Niya itong bago, mararamdaman pa rin natin na ito ang mundong tinirhan natin noon.
Kahanga-hangang malaman na sa darating na panahon, gagawing bago, maayos at maganda ang daigdig. Isipin natin kung gaano kaganda ang gagawin ng ating dakilang Manlilikha.