May isinulat ang manunulat na si Anne Herbert na sumikat at maririnig na sinasabi sa mga pelikula. Sabi ng ilan, nasa isang kainan daw si Anne nang may naisip siyang isulat. Isinulat niya sa pinagpapatungan ng pinggan na nasa mesa ang mga katagang sumikat sa karamihan: “Laging gumawa ng magagandang bagay kahit parang sa tingin ng iba ay nagsasayang ka lang ng oras at lagi ring magpakita ng kabutihan kahit sa mga hindi inaasahang pagkakataon.”
Bakit naman kailangang magpakita ng kabutihan? Para sa mga nagtitiwala kay Jesus, pagpapakita ito ng kahabagan at kabutihan ng Dios sa iba.
Ang pagpapakita ng kabutihan sa iba ay makikita sa buhay ni Ruth na binanggit sa Biblia. Dayuhan lamang si Ruth sa bansa kung saan siya nakatira. Nahihirapan siyang makibagay sa kultura at maintindihan ang wika roon. Napakahirap ng buhay niya at nakadepende siya sa tulong ng iba na ang turing naman sa kanya ay hindi importante.
Pero ipinadama ni Boaz na isang Israelita na importante si Ruth at nauunawaan din ni Boaz ang kalagayan nito (RUTH 2:13). Hinayaan ni Boaz na mamulot si Ruth ng mga natirang ani sa kanyang taniman. Ipinakita rin niya ang kanyang pagmamalasakit kay Ruth nang sa gayon maipadama ni Boaz ang kagandahang-loob ng Dios na siyang laging handang tumulong at magprotekta kay Ruth. Pinakasalan ni Boaz si Ruth. Naging bahagi rin siya ng pamilya ng Dios. Siya ang isa sa mga ninuno ni Jesus na ating tagapagligtas (TINGNAN ANG MATEO 1:1-16).
Hindi natin masusukat ang epekto sa iba ng ginawa nating kabutihan kung ginawa natin ito para kay Jesus.