Nagluto ang asawa ko. Inihanda niya ang mga sangkap nito tulad ng karne, hiniwang patatas, kamote, sibuyas at kabute. Tapos, sama-sama niya itong inilagay sa lalagyan at pinakuluan. Pagkatapos ng mga 7 oras, maaamoy mo na ang niluluto niya. Sulit na hintaying maluto nang dahan-dahan ang lahat ng sangkap dahil kapag nagsama-sama na ito malaki ang kaibahan nito kumpara sa iisang sangkap lamang ang niluto.
May sinabi naman si Pablo na apostol ni Jesus sa mga taga Roma na sa wikang griyego ay sunerge. Ang ibig sabihin nito ay mga pinagsama-sama para sa iisang layunin nang sa gayon ay magkaroon ng magandang resulta. Sinabi ni Pablo, “Alam natin na sa lahat ng bagay, gumagawa ang Dios para sa ikabubuti ng mga umiibig sa Kanya, na Kanyang tinawag ayon sa Kanyang layunin” (ROMA 8:28 ASD). Nais iparating ni Pablo sa mga taga Roma na hindi ang Dios ang dahilan ng kanilang paghihirap. Sa halip, kumikilos ang Dios para sa kanilang ikabubuti. Ang tinutukoy ni Pablo na sa ikabubuti nila ay maging tulad ng Anak ng Dios na si Jesus (TAL. 29). At hindi ang mga bagay na pansamantala lamang tulad ng maayos na kalusugan, kayamanan o pagiging matagumpay.
Nawa’y maging matiyaga tayo sa paghihintay sa pagkilos ng Dios na may buong pagtitiwala sa Kanya. Magsama-sama man ang paghihirap, mabibigat na pagsubok at masasamang nangyayari sa atin ay magagawa pa rin ng Dios na magkaroon ito ng magandang resulta sa huli. Sa gayon, luluwalhatiin natin Siya at tatatag ang ating pananampalataya sa Kanya. Nais ng Dios na magkaroon tayo ng katangian na tulad ng kay Jesus.