Noong 2015, ayon sa pananaliksik ng isang kumpanya ay mayroon daw 245 milyong cctv camera na nakalagay sa iba’t ibang lugar sa mundo at nadaragdagan pa ito taun-taon. Ang cctv camera ay isang instrumento para makita ang mga pangyayari sa isang lugar. Kung wala namang cctv sa paligid, malamang ay may tao namang may cellphone ang kukuha ng pangyayari. Maganda man o pangit ang epekto sa buhay natin ang pagkakaroon ng maraming cctv camera sa paligid, hindi na natin mababago na nabubuhay tayo sa mundong ito na nakikita ang lahat dahil sa mga camera sa paligid.
Sinabi naman sa Aklat ng mga Hebreo ng Bagong Tipan na nakikita ng Dios ang lahat at wala tayong maitatago sa Kanya. Mas malaki ang pananagutan natin sa Dios kaysa sa anumang ating gagawing paglabag na nahuli ng cctv camera. Ang Salita ng Dios ay parang espada na “tumatagos hanggang kaluluwa’t espiritu. Nalalaman nito ang pinakamalalim na iniisip at hinahangad ng tao. Walang makakapagtago sa Dios. Nakikita Niya at lantad sa paningin Niya ang lahat at sa Kanya tayo mananagot” (HEBREO 4:12-13 ASD).
Dahil alam ng Dios ang lahat ng ating ginagawa, maaaring matakot tayong lumapit sa Kanya dahil sa mga nagagawa nating pagkakasala. Pero hindi tayo dapat matakot dahil “nadarama rin [ni Jesus] ang lahat ng kahinaan natin at naranasan din Niya ang lahat ng pagsubok na dumarating sa atin pero hindi Siya nagkasala. Kaya huwag tayong magatubiling lumapit sa trono ng maawaing Dios para matanggap natin ang awa at biyayang makakatulong sa atin sa panahon ng pangangailangan” (TAL. 15-16 ASD).