Pitong taong hirap na hirap ang anak ko para tigilan ang pagkalulong nito sa droga. Nang mga panahong iyon, nahihirapan din kaming mag-asawa sa sitwasyon ng aming anak. Idinalangin namin siya habang inaantay namin ang kanyang paggaling. Natutunan naming magalak sa mga simpleng araw na walang anumang nangyayaring gulo sa loob ng isang araw sa aming pamilya. Ipinapaalala ng masasayang araw na iyon na dapat naming pasalamatan ang Dios sa Kanyang pagtulong kahit sa mga simpleng bagay lamang.
Ipinapaalala naman ng Lumang Tipan na pinagmamalasakitan tayo ng Dios. Nais Niyang “gawan tayo ng dakilang bagay, at [punuin] tayo ng kagalakan” (AWIT 126:3 ASD). Napakagandang talata ito na dapat isapuso habang inaalala natin ang pag-aalay ni Jesus ng Kanyang buhay sa krus. Hindi mababago ng mga masasamang nangyayari sa ating buhay ang katotohanan na pinagmamalasakitan tayo ng Dios at “ang Kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman” (AWIT 136:1).
Lagi nating alalahanin ang katapatan at pagmamalasakit ng Dios sa mga napagdaanan nating mga pagsubok. Nang sa gayon, sa pagharap nating muli sa mahihirap na sitwasyon ay maaalala natin na tapat ang Dios at minsan na Niya tayong tinulungan. Hindi man natin alam ang gagawin Niyang pagtulong, makakaasa naman tayo na tutulong siyang muli.