Isipin natin ang mundo na walang hangin. Malamang kalmado lagi ang dagat. Wala ding nakakalat na mga tuyong dahon sa paligid. At sino naman kaya ang magiisip na mabubuwal ang malaking puno kung walang malakas na hangin? Pero iyon ang nangyari sa mga puno sa isang lugar na tinatawag na Biosphere 2 kahit hindi naman umiihip nang malakas ang hangin doon. Mabilis ngang lumaki ang mga puno sa lugar na iyon pero mahihina naman kaya’t hindi nila nakakaya ang mismong bigat nila. Sabi ng ilang nagsaliksik kung bakit iyon nangyari, kailangan daw ng puno ang hampas ng hangin para lumaki ito nang matatag.
Hinayaan naman ni Jesus na maranasan ng kanyang mga alagad ang paghampas ng malakas na hangin para tumatag ang kanilang pananampalataya kay Jesus (MARCOS 4:36-41). Nasa isang bangka noon sina Jesus at ang mga alagad Niya, nang bigla na lang humampas ang malakas na hangin at malalaking alon sa kanilang bangka. Nang mga panahong iyon, natutulog lang si Jesus. Nagtataka ang mga alagad kung bakit parang walang pakialam si Jesus sa nangyayari. Sa tindi ng takot nila, ginising nila si Jesus. Sinabihan naman ni Jesus ang hangin at alon na pumayapa at tinanong ang Kanyang mga alagad kung bakit wala silang pagtitiwala sa Kanya. Kung hindi hinayaan ni Jesus na maranasan ng mga alagad ang pangyayaring iyon ay hindi nila masasabi, “Sino kaya ito? Kahit ang hangin at dagat ay sumusunod sa Kanya!” (MARCOS 4:41 ASD).
Maaaring isipin natin na maganda ang buhay sa lugar kung saan walang anumang masama ang mangyayari. Pero paano naman kaya tatatag ang ating pagtitiwala sa Dios kung hindi natin mismo mararanasan ang mga bagyo o pagsubok sa ating buhay?