Nang maikasal na kaming mag-asawa, tumira kami sa bansa ng asawa ko. Iniisip ko na limang taon lang ako mamamalagi dito. Pero hindi ko sukat akalain na nandito pa rin ako pagkalipas ng halos 20 taon. May pagkakataon na parang nawawala na ang mga dati kong nakasanayang buhay. Malayo kasi ako sa aking pamilya at kaibigan. Ibang-iba na ang buhay ko ngayon. Pero kahit na parang nawala na ang dati kong nakasanayang buhay ay nagkaroon naman ako ng mas masayang buhay ngayon.
Ang pagkakaroon ng buhay ay isa sa ipinangako ni Jesus sa Kanyang mga alagad. Sinabi ni Jesus na magkakaroon sila ng buhay kung mawawalan o ibibigay nila ito alang-alang sa Kanya (MATEO 10:39). Sinabi ito ni Jesus nang utusan Niya ang Kanyang mga alagad na ipahayag ang tungkol sa gagawin Niyang pagliligtas sa lahat. Sinabihan pa Niya sila na higit Siyang mahalin kaysa sa kanilang pamilya (MATEO 10:37). Sinabi ito ni Jesus kahit na napakalaki ng pagpapahalaga nila sa pamilya. Kung gagawin nila iyon, parang nawala na ang dati nilang buhay pero magkakaroon naman sila ng makabuluhang buhay.
Hindi natin kailangang pumunta pa sa ibang bansa para magkaroon ng makabuluhang buhay. Kahit nasaan man tayo, tularan natin ang ginawang paglilingkod noon ng mga alagad ni Jesus. Sa gayon, makikita natin ang pagpapala at pagmamahal ng Dios sa atin nang higit pa sa ating ginawang paglilingkod para sa Kanya. Hindi nakadepende sa ating ginagawang paglilingkod sa Dios ang ipinapakita Niyang pagmamahal sa atin. Pero kung iaalay natin ang ating buhay para sa kapakanan ng iba, magiging makabuluhan ang ating buhay.