Para sa pintor na si Henri Matisse, ang mga ginawa niya daw sa mga nalalabing taon ng kanyang buhay ang tunay na nagpapahayag ng kanyang pagkatao. Nang mga panahong iyon sinubukan niyang gumawa ng bagong paraan ng pagpipinta pero hindi sa pamamagitan ng pintura, sa halip sa mga ginunting na papel na may iba’t ibang kulay. Mahalaga ito kay Henri dahil napapasaya siya nito sa kabila ng may kanser siya.
Ang pagkakaroon ng malalang sakit, pagkatanggal sa trabaho o pagkabigo ay mga bagay na nagdudulot ng labis na kalungkutan at kawalan ng pag-asa. Ganito din ang pakiramdam ng mga taga Juda noon. Nalaman kasi nila na sasalakayin sila ng hukbo ng kanilang mga kaaway (2 CRONICA 20:2-3). Nanalangin naman ang hari ng Juda, “Kung may sakunang darating sa amin...Hihingi kami ng tulong sa [Dios] at pakikinggan N’yo kami at ililigtas” (TAL. 9 ASD). Tumugon naman ang Dios, “Harapin n’yo [ang inyong mga kaaway] bukas at ang Panginoon ay sasama sa inyo” (TAL. 17 ASD). Nang dumating ang hukbo ng Juda sa lugar kung nasaan ang kanilang mga kaaway, nakita nilang patay na itong lahat. Pinaglaban-laban ng Dios sa isa’t isa ang kanilang mga kaaway. Tinipon naman ng hukbo ng Juda ang mga naiwang ari-arian ng kanilang kaaway at inabot sila ng tatlong araw. Bago sila umuwi, pinuri nila ang Dios at tinawag nila ang lugar na iyon na Lambak ng Pagpapala.
Nagmamalasakit ang Dios sa atin at sasamahan Niya tayo sa panahong nahihirapan tayo. Magagawa ng Dios na gawing pagpapala ang mga mahihirap nating sitwasyon.