Sobrang nasaktan ang batang si Ravi sa sinabi ng kanyang ama. Sinabi nito kay Ravi, “Wala kang silbi, kahihiyan ka lang sa pamilya.” Kaya, kahit naging matagumpay siya sa sports, pakiramdam niya ay wala pa rin siyang silbi at isa pa ring talunan. Iniisip ni Ravi kung totoo ba siyang talunan. Iniisip niya din kung mamatay na lang kaya siya sa paraang hindi niya mararamdaman ang sakit. Ang mga bagay na iyon ang gumugulo sa kanyang isipan pero wala siyang pinagsabihan ng tungkol doon. Sa kultura kasi nila, hindi sila sanay na sinasabi sa iba ang kanilang mga problema. Pinalaki silang dapat sinasarili lang ang sakit na dulot ng mga problema at dapat ayusing mag-isa.
Hinarap ni Ravi na mag-isa ang kanyang mga problema hanggang sa hindi na niya ito kinaya kaya nagpakamatay siya. Pero nakaligtas si Ravi sa pangyayaring iyon. Nang nasa ospital siya at nagpapagaling, may dumalaw sa kanya na may dalang Biblia. Ipinabasa nito sa ina ni Ravi ang sinabi ng Panginoong Jesus na nasa Bagong Tipan, “Dahil buhay Ako, mabubuhay din kayo” (JUAN 14:19 ASD). Nagkaroon siya ng pagasa na magkaroon ng isang bagong buhay sa pamamagitan ni Jesus na siyang nagbibigay-buhay. Kaya nanalangin si Ravi, “Panginoong Jesus, kung Kayo nga po ang nagbibigay ng buhay, nais ko pong magkaroon ng isang bago at makabuluhang buhay.”
Maaaring makaranas tayo ng mga kabiguan sa buhay. Pero tulad ni Ravi, makakatagpo din tayo ng bagong buhay kay Jesus na Siyang “Daan, ang Katotohanan at ang Buhay” (TAL.6 ASD). Nais ng Dios na bigyan tayo ng isang makabuluhang buhay.